Lunes, Hulyo 15, 2013

PANGUMPISAL

“BAKIT KAYO NANGUNGUMPISAL SA PARI E NAGKAKASALA DIN NAMAN SILA?”

Yan ang sinasabi ko sa mga Katoliko noon.

Hindi ko maintindihan noon kung bakit kailangan pang lumapit sa isang tao na nagkakasala din tulad natin para humingi ng tawad sa Diyos. Kung
pwede namang lumapit ng direkta sa Diyos bakit lalapit pa sa tao?

Kaya lang noong protestante pa ako, nagpapagamot ako sa doktor kahit na ang paniniwala ko na ang Diyos ang Great and Divine Physician.

Ang tanong tuloy, “BAKIT AKO MAGPAPAGAMOT SA DOKTOR E NAGKAKASAKIT DIN NAMAN SILA?”

Bakit hindi lumapit sa Great Physician, pwede namang direktang lumapit sa Kanya?

Sabi sa Biblia, “Igalang mo ang manggagamot nang marapat sa kanyang katungkulan,
sapagkat ang Panginoon din ang nagtakda ng tungkuling iyan. Ang karunungan ng manggagamot ay mula sa Kataas-taasang Diyos…”(Ecclesiastico 38:1-2)

Ang TUNGKULIN ng panggagamot ay mula sa Diyos, pati na ang KARUNUNGANG kinakailangan para magampanan ito.

Ang mga doktor ang manggagamot ng pisikal na katawan, ang mga pari naman ang sa kaluluwa.

Ang gawain ng panggagamot ay pakikiisa sa gawain ng Panginoong Hesus(tignan Macos 2:1-12, kung paano niya ginamot ang kaluluwa [MUNA] at katawan ng paralitiko)

Hindi naman mahirap isipin na kung ang doktor ay para sa pisikal na katawan, ang mga pari naman ay para sa kaluluwa.

Tinitignan ko ang Simbahan bilang Pagamutan ng Panginoon. Kaya nga hindi nakakapagtaka na maraming makasalanan dun kahit pari o obispo kasi pagamutan yung ng may sakit na ketong…

Ketong ng Kasalanan.

Kung manggamot man ang mga doktor mula sa Diyos ang kagalingan, kung magpatawad man ang mga pari mula pa rin sa Diyos ang kapatawaran at ibinibigay ito ng mga pari “Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo”, at HINDI SA SARILI NILANG KAKAYAHAN AT KAPANGYARIHAN.

Bakit masarap mangumpisal sa pari? KASI SA PAMAMAGITAN NG BOSES NG PARI, MARIRINIG MO ANG DIYOS NA PINATATAWAD KA NA NIYA.

Hindi naman itinuturo ng Simbahan na ‘wag mangumpisal ng direkta sa Diyos. Pero wala rin namang sinabi sa Biblia na sa Diyos LANG mangumpisal. Ang sabi, “…ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa’t isa, upang kayo’y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.” (Santiago 5:16)

Ang kagalingan ng may-sakit ay hindi nakasalalay sa kalusugan ng manggagamot, at ang kapatawaran ng kasalanan ay hindi nakasalalay sa kung makasalanan ba ang pari o hindi.

ANG KAGALINGAN AT KAPATAWARAN AY NAKASALALAY SA BIYAYA NG DIYOS, MAY PROBLEMA MAN ANG MANGGAGAMOT O WALA.

Ganito tayo kamahal ng Diyos. Binigyan niya tayo ng Pagamutan (Simbahan) at mga doktor (pari) para pagalingin ang ating kaluluwa sa kapangyarihan ng biyayang tinamo ng Panginoong Hesus para sa atin.

Tara! Pagamot tayo…


SAGOT: Ang ginagawa ng mga unang Kristiyano, ay ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan hindi lang sa Diyos, kundi ikinukumpisal din nila ito sa kanilang kapwa Kristiyano. Nasusulat:

"Marami rin naman sa mga nagsisampalataya na ang nagsidating, na ipinahahayag at isinasaysay ang kanilang mga gawain. At hindi kakaunti sa mga nagsisigamit ng mga kabihasnang magica ay nagsipagtipon ng kanilang mga aklat, at pinagsusunog sa paningin ng lahat; at kanilang binilang ang halaga niyaon, at nasumpungang may limampung libong putol na pilak." (Gawa 19:18-19)

"Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid." (Santiago 5:16)

Ang pari, na pinatungan ng kamay ng obispo, na pinatungan ng kamay ng isa pang obispo pabalik sa mga apostoles (apostolic succession), ay binigyan ng katungkulan na magpatawad ng kasalanan. Ang katungkulang ito ay galing kay Kristo:

"Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo. At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad." (Juan 20:21-23)

Sa totoo lang, sa isang Katoliko, ang paglapit niya sa pari upang mangumpisal ay unang-una, paglapit sa Diyos dahil ang Iglesiya ang awtoridad ng Diyos sa mga bagay espiritwal:

"At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit." (Mateo 16:18-19)

At ang nangungumpisal na Katoliko ay laging sa Diyos nagdarasal at hindi sa pari. Matatandaan na noong nagkasala si David kay Bathsheba, si Nathan ang kinasangkapan ng Diyos upang aminin ni David ang kanyang kasalanan:

"Sinabi ni David kay Natan, "Nagkasala ako kay Yahweh."

Sumagot si Natan, "Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay." (2 Samuel 12:13)

Kaya mahalaga ang magkaroon ng taong tagapamagitan sa pagkukumpisal sa kasalanan, taong binigyan niya ng katungkulan nito. At ito ang katungkulan ng mga kaparian ng Iglesiya.

Ang pangungumpisal diretso sa Diyos na walang senyales ng pagpapatawad, ay hindi makakatututo sa tao na magbago, dahil sa madali ang pagkumpisal at madali din ng palagay na napatawad ka na.

BAKIT ANG MGA PARI HINDI MAG-AASAWA CELIBACY

HINDI PAGAASAWA NG KAPARIAN AT MADRE (CELIBACY) *** BATIKOS NG INC AT IBANG SEKTA.. PINAGBABAWALAN DAW NATIN ANG MGA TAO NA MAG ...