Huwebes, Disyembre 18, 2014

MGA IMAHE NG MGA BANAL








Ang mga estatwa sa loob ng mga simbahang Katoliko ay tulad din ng mga monumentong nakikita natin sa lahat ng bayan. Ilinalarawan nila at ipinaalala sa atin ang kabayanihan, kabanalan, at mabuting pamumuhay ng ilang mga taong naging taga-sunod ni Jesus dito sa lupa at ngayon ay nasa harapan na ng Diyos. Ang alaala ng mga taong ilinalarawan ng mga imaheng ito ay nagsisilbing inspirasyon at huwaran nating mga nandito pa sa lupa at patuloy na nakikibaka.

Kung ikaw ang tatanungin, at kung buong katapatan kang sasagot, masama ba sa palagay mo sa mata ng Diyos ang paggawa ng rebulto ng mga bayani ng ating bansa at paglalagay sa kanila sa mga lugar na nakikita ng halos lahat ng mamamayan? Ikalawang tanong, wala ka bang negatibong mararamdaman kung makikita mong may mga taong walang magawa na sisira ng rebulto ng isang bayani? Ikatlong tanong, wala ka bang mararamdamang kahit ano kung makita mong inaapak-apakan at linalapastangan ang larawan ng iyong ina, ama, mga kapatid, o ibang mahal sa buhay? Malungkot man sabihin, pero ang taong walang mararamdaman sa mga ganitong pangyayari [sa palagay ko] ay hindi maiituring na tao. Kung sasabihin mo naman na hindi maganda ang mararamdaman mo kung masasaksihan mo ang ganitong pangyayari, ito ay magpapatunay na sinasabi ng iyong kalikasang-tao (human nature) na ang paggalang na mayroon ka sa mga larawan ng mga mahal sa buhay, o sa rebulto ng mga bayani, ay hindi isang inutil na pagpapahalaga sa mga bagay na walang buhay, kundi ekstensyon ng malalim na paggalang mo sa mga taong ilinalarawan ng mga ito. Hatulan mo ang usaping ito: Tama ba na magbigay-galang ang isang Filipino sa watawat ng Pilipinas, o walang halaga kung makita man niyang nakakalat ito sa daanan at nababasahan ng mga paa? Ang pagbibigay-galang ba dito ay nangangahulugan ng maling pagpapahalaga sa isang piraso ng tela na kinulayan ng asul, pula, at dilaw; o pagpapakita ito ng paggalang sa bansang sinasagisag nito?

Bitbit sa matapat na isip ang ganitong kamulatan, magagawa mo bang hatulan na ang paggawa ng mga rebulto at paglalagay nito sa simbahan ay masama sa paningin ng Diyos? Hindi kaya ang masama sa paningin ng isang rasonableng Diyos ay ang pagkukunwari, paghatol sa hindi nauunawaan, at ang pagpapawalang-halaga sa mga bagay na may tunay na halaga? Ang pagsasabi ng isang bagay at paniniwala naman sa iba ay pagsisinungaling sa sariling konsensya—ito ang kasalanan. Kung sinasabi mo na masama ang paggawa ng mga rebulto at pagbibigay-galang sa mga ito, pero nagbibigay-galang ka naman sa mga rebulto, sa mga larawan, at sa isang piraso ng tela na tinatawag nating bandila, linalabag mo ang sariling budhi—masama yan sa paningin ng Diyos. Kahit ang mga taong hindi nagbabasa ng Bibliya, maiisip na masama ang paglabag sa sariling paniniwala, pero alang-alang sa pagiging “Bible Christian” ng ilang mga nagbabasa, isasangkalan ko ang sulat ni Pablo sa mga Romano: “Anumang hindi ayon sa pananampalataya ay kasalanan” (R 14:23).

Isinulat ang lahat ng bahagi ng Kasulatan para palayain tayo, hindi para ikulong tayo sa mga kaisipang hindi nakatuntong sa katotohanang pinatutunayan ng lohika at karanasan. Ang tunay na pananampalataya, bagamat mahiwaga, ay nakasalig sa tamang pangangatwiran at pagiging makatotohanan. Halimbawa, may ilang mga Filipinong nangangaral sa pangalan ni Jesus na hindi dapat kumain ng dugo, dahil sa bahagi ng Kautusan na nagsasabing huwag kakainin ang hayop na hindi tinanggalan ng dugo, pero makikita mo naman ang mga taong ito na kumakain ng balot—pagkain na may kasamang dugo.

Balik sa isyu ng pagiging masama ng paggawa ng mga larawan at rebulto, silipin natin ang kasaysayan. Sa aklat ng mga Bilang (21:8), sino ba ang nag-utos kay Moises na gumawa ng isang ahas na tanso? Sa aklat ng Exodus, sino ba ang nag-utos kay Moises na gumawa ng isang arko kung saan ang lahat ng mga Israelita ay dapat magbigay-galang? At sino ang nagsabi na dapat gumawa si Moises ng rebulto ng dalawang kerubin na gawa sa ginto para ilagay sa magkabilang dulo ng arko? Sa pagkakaalala ko, si Yahweh ang nag-utos kay Moises ng lahat ng ito. Sinabi mo na sa Bibliya, “kung ano ang sinasabi ay hindi nababali”; ibig bang sabihin ay binali ng Diyos ang sinasabi sa Bibliya? Nagkasala ba si Yahweh dahil sa pagpapagawa niya ng mga rebulto—ng ahas at ng mga kerubin, at ng iba pang mga katulad nito? Ang Diyos din ang nagsabi na “huwag papatay”; nagkasala ba si Yahweh laban sa Biblia noong isinugo niya sa digmaan ang mga Israelita at sinabing patayin ang lahat ng makakasalubong nila? Nagkasala din ba ang Diyos noong sinabi niyang dapat patayin sa pamamagitan ng pagbato ang mga mahuhuling nagkasala? Ano ang gagawin mo ngayon sa gitna ng mga salungatang ito sa mga sinasabi ng Diyos? Pagbintangan ang Diyos na nagkasala laban sa kautusan tungkol sa paggawa ng mga rebulto at sa pagpatay? O hindi kaya mas tamang kilalanin muna natin ang esenya ng Diyos at ng kanyang kalooban? Si Jesus mismo, sa paningin ng ilan, ay ilang ulit na lumabag sa Sabbath pero tulad ng lagi niyang iminumulat sa lahat, ang kalooban ng Diyos ay nasa espiritu ng Kautusan, wala sa patay na titik nito.

Ikalawang punto, para lang sa kalinawan ng mga bumabasa, walang pangyayaring isinalaysay sa aklat ng Mga Pahayag na lumuhod si Pedro sa isang anghel. Ang totoo, kasama na ng mga anghel si Pedro noong panahong iyon—wala na siya sa lupa dahil patay na ang kanyang katawang-lupa noon. Si Juan ang tinutukoy mong lumuhod at sumamba sa anghel. Hindi talaga tama ang “gesture” na ipinakita niya dahil ang intensyon niya ay sambahin ang anghel. [Pero kung ang tanong ay nagkasala ba si Juan sa ginawa niya, ang sagot ay hindi. Ang pagsamba niya sa anghel ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod sa tunay na Diyos o kay Jesus; nagpapakita ito ng hindi pa kumpletong pagkakilala ni Juan sa mga bagay na nagmula sa langit. It was an honest mistake, not an act of apostasy.] Kung ang pag-uusapan naman ay pagsamba, dapat maintindihan ng mga bumabasa na ang pagsamba, tulad ng paggalang, pagmamahal, at iba pang tulad nito ay nagmumula sa intensyon at nakikita sa gawa. Ano ba ang halaga ng magkatulad na gawain at magkaibang intensyon? Halimbawa, kumuha ako ng isang basong tubig at ininom ko ito lahat, masasabi mo ba agad na kaya ko ginawa iyon ay dahil nauuhaw ako at gusto kong maibsan ito? Kung oo ang sagot mo, masyado kang mabilis humatol. Hindi lahat ng umiinom ay nauuhaw. Kung uminom ka ng tubig dahil kasama ng gamot, ibig bang sabihin nito ay nagtatanggal ka ng uhaw? Kung uminom ka dahil may bumara sa lalamunan mo, ibig bang sabihin nito ay nagtatanggal ka rin ng uhaw? Maging sa ibang bagay tulad ng pagkain at pagtulog, hindi pare-pareho ang intensyon. Sa tatlong sukatan ng pagiging tama o mali ng isang aksyon, ang intensyon ang unang panukat. Anumang maling intensyon ay nangangahulugan ng maling gawain; pero kung ang intensyon ay mabuti, dadaan naman ito sa ikalawang panukat: ang paraan ng pagawa (means). Kung nauuhaw ka, ang karaniwan mong magiging intensyon ay ibsan ang iyong uhaw. Paano mo ito gagawin? Kung iinom ka gamit ang isang malinis na lalagyan at padadaanin mo ito sa bibig, tama ang iyong paraan; pero kung bubutasin mo ang iyong tiyan para doon ideretso ang tubig, hindi tama ang gagawin mo kahit na mabuti ang intensyon. Ang ikatlong panukat ay ang inaasahang kalalabasan o resulta. Dapat na mas matimbang ang mabuting resulta kaysa masama. Sa bahaging ito, lahat naman ng may sapat na pag-iisip ay makakapagdesisyon kung mabuti o hindi ang inaasahang kalalabasan ng isang aksyon.

Ang mga panuntunang nabanggit ay aplikable sa lahat ng bagay na may kinalaman sa moralidad at praktikalidad. Sa paggawa ng mga rebulto at pagbibigay-galang sa mga ito, unang-unang dapat suriin ay ang intensyon. Ano ba ang intensyon ni Yahweh nang ipinagawa niya kay Moises ang ahas na tanso? Ano ba ang intensyon niya nang nag-utos siyang gumawa ng arko na may mga bantay na kerubin, na kung tutuusin ay “merong mata hindi nakakita , merong tainga pero di nakarinig”? Ano ba ang intensyon ng Simbahan sa pagkilala sa mga rebulto ng mga banal na tao bilang bahagi ng debosyong Cristiano? Ang sagot sa huling tanong ay nasabi ko na noon at inulit ko ulit sa umpisa nito. Pero bilang pagpapakita ng mas malaking larawan ng totoong sitwasyon, dadagdagan ko ang paliwanag: May mga taong likas na matalino at madaling makaunawa; sa kabaligtaran, may mga taong mahina ang kakayahan sa pag-unawa ng mga ideya, o yung mas kilala natin sa salitang “slow”. Bilang pagkilala sa katotohanang ito ng kalikasan ng ibang tao, gumawa ang mga lider ng sinaunang Cristianismo ng tinatawag nating “Credo”. Ito ay pagsasalahat ng pinakamahahalagang katotohanang hindi dapat makalimutan ng bawat nananalig kay Jesus. Kung ang pagiging Cristiano ay nangangailangan ng talino ng isang Pablo, o ng isang Agustin, o ng isang Tomas, malamang maluwag pa ang isang maliit na bansa para sa bilang ng lahat ng mga Cristiano sa buong mundo. Binuo ang credo para maging mas madali para sa lahat ang pag-unawa sa elementaryang bahagi ng Pananampalataya. Ang katulad na prinsipyo din ang nasa likod ng paggamit ng mga rebulto sa simbahan. May mga taong madaling mawala sa “focus”; ito yung mga taong sinasabing may “short span of attention”. Normal ang ganito sa mga bata, pero marami sa mga matatanda na ay ganito pa rin. Natutulungan ang kahinaan ng kanilang atensyon o pag-unawa kapag may mga bagay na magsisilbing tagalarawan ng kanilang isip tulad ng mga rebulto, larawan, beads, krus, etc. Hindi bagong sibol ang mga taong ito; hindi sila naglabasan noong dumating si Jesus. Libo-libong mga taon pa bago si Jesus, nahahati na talaga ang mga tao sa matatalino, nasa gitna, at mahihina. Kinikilala ni Pablo ang katotohanang ito, kaya sinasabi niya: “Kailangang pagtiisan nating malalakas ang mga mahihina pa sa pananampalataya” (R 14:1). Kahit noong mga unang panahon ng Cristianismo, may mga ebidensya ng mga iniukit na larawan sa pader ng mga katakumba, at bahagi ito ng tunay ng Cristianismo dahil binubuhay nito sa kanilang mga puso ang pag-asa sa kabila ng mga paniniil. Sa pamamagitan ng mga nakikitang bagay, ipinakikilala sa kanila ang mga bagay na hindi nakikita. Ganito mismo ang ginawa ni Jesus. Kilala na ng Israel si Yahweh, pero nagpakilala pa rin ang hindi nakikitang Diyos sa pamamagitan ng nakikitang Diyos—si Jesus.

Ikatlong punto: kung naiiskandalo ang mga Protestante sa ginagawa ng maraming mga “katoliko”, kami mismong nakakakita sa mga gawaing ito ay naaalarma sa mga hindi tamang pagkilos na ipinapakita ng mga nagsasabing sila ay mga Katoliko. Hindi ko alam kung ilan ang eksaktong bilang pero siguradong hindi bababa sa 5% ng mga nakikita ko sa loob ng simbahan na kung ano-anong pinaggagagawa. Pinakanakakatawag ng pansin ay yung mga may hawak na panyo na magpapahid sa mga larawan at pagkatapos ay idadampi sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Pero higit pa dun ay ang mga magulang na pagkatapos ipunas ang kanilang kamay o panyo sa maalikabok na mga larawan sa simbahan ay ipapahid sa mukha ng anak nila. Ang totoo, may mga kagalingang tinanggap ang mga taong nanampalataya kay Jesus at nagpatunay na linoloob ng Diyos na gamitin ang mga materyal na bagay bilang daluyan ng espiritwal na biyaya niya. Ilan sa mga halimbawa ay ang babaeng dinudugo na gumaling noong humawak siya sa damit ni Jesus. Ganun din ang lalaking bulag na pinahiran ng putik na gawa sa lupa at sa laway ni Jesus. Pero ang pangunahing elemento dito ay ang pananampalataya ng mga taong ito sa persona ni Jesus, hindi dahil sa pananampalataya sa damit, sa putik, o sa tubig. Lalong hindi lumapit ang mga taong ito kay Jesus dahil lang nakasanayan na nila, o ni hindi na rin nila alam kung bakit; kundi dahil kilala nila si Jesus at naniniwala sila sa kaya niyang gawin at sa katotohanan ng kanyang mga salita. May dahilang maiskandalo ang mga Protestante sa mga nakikita nila pero higit naming kilalang mga Katoliko kung alin ang turo ng Simbahan at alin ang hindi. Kung paanong ang gawain ng isang Protestante ay hindi lumalarawan sa pinananampalatayanan ng buong Protestantismo, ganun din ang gawain ng isang nagsasabi na siya ay Katoliko ay hindi automatikong lumalarawan sa pinananampalatayanan ng Simbahan. Halimbawa ay ang tinatawag nilang “penitensya” tuwing Mahal na Araw; hindi komo mga katoliko ang gumagawa nito ay masasabi nang kasama ito sa tradisyon o turo ng Simbahan. Ganun din ang mga kung ano-anong gawaing relihiyoso sa mga probinsya na nagdadala sa pangalan ng Katolisismo kahit na ang totoo ay labag sa pananampalatayang Katoliko ang kanilang mga aktibidad. It will take a Catholic heart to really understand the depth of Catholicism.

Ikaapat na punto: ang pagsamba ay iba sa pagbibigay-galang o pagkilala. Tulad ng nasabi ko na, ang pagsamba ay nag-uumpisa sa intensyon. Kung walang intensyong sumamba ang isang tao, kahit pa bigkasin niya ang katagang “Diyos ko” o “Panginoon ko”, hindi ito nangangahulugan ng pagsamba o pagdarasal man. Ang totoo pa nga, ito ay isang uri ng paglapastangan sa pangalan ng Diyos kung ginagamit lang para magpahayag ng pagkagulat, galit, o pagkadismaya. Kung ang lahat ng pagkakataon ng pagluhod o pagyukod ng isang tao ay nangangahulugan ng pagsamba, ibig sabihin ay sinasamba ng lahat ng mamamayan ang kanilang hari; sinasamba din ng mga anak na Israelita ang kanilang mga ama o ina; ibig sabihin din ay pitong beses na sinamba ni Jacob si Esau noong nagkasalubong sila sa daan at pitong beses siyang nagpatirapa palapit sa kanya. Tinawag pa niyang panginoon si Esau, at ganun din ang tawag ng mga babae sa kanilang asawa—monsignor—my lord. Ang lahat ba ng ito ay kasuklam-suklam sa Diyos? Malinaw ang aral ng Simbahan tungkol sa mga rebulto at tungkol sa mga banal na pumanaw na; ang maling intensyon, pagkaunawa, at mga gawain ng ilang mga Katoliko ay hindi larawan ng Simbahan kundi pagpapatunay na karamihan sa mga tao, Katoliko man o Protestante, Judio man o Muslim, ay ginagawa lang sangkalan ang relihiyon pero ang totoo ay sari-sarili nilang katauhan at mga kaisipan ang kanilang diyos.

Dagdagagan pa, Sa Panulat at Edited By: Adonis V. Tungcab

BAKIT ANG MGA PARI HINDI MAG-AASAWA CELIBACY

HINDI PAGAASAWA NG KAPARIAN AT MADRE (CELIBACY) *** BATIKOS NG INC AT IBANG SEKTA.. PINAGBABAWALAN DAW NATIN ANG MGA TAO NA MAG ...