Dugo 'bawal kainin,' ba't kinakain ng Katoliko?
ISA sa laging ginagamit ng mga INC para atakihin ang mga Katoliko ay kaugnay sa pagkain ng mga Katoliko sa dugo. Ayon sa mga INC, ipinagbabawal ng Diyos ang pagkain ng dugo.
Ang batayan nila ay ang utos ng Diyos sa Leviticus 19:26 at ang Acts 15:29.
Sinasabi sa Leviticus 19:26:
"Huwag kayong kakain ng karne na naroon pa ang dugo nito."
Sabi naman sa Acts 15:29:
"Kayo ay umiwas sa mga pagkain na inialay sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa karne ng hayop na ginarote at sa kahalayan sa laman. Mabuting gawain ang pag-iwas sa mga ito. Paalam."
Sa isang tingin ay parang tama ang sinasabi ng mga INC. Pero kapag sinuri ang mga talata ay makikita na mali ang mga INC sa pag-unawa sa mga ito.
Ang bawat talata ay may tinatawag na konteksto, o ang sitwasyon kung bakit iyon sinabi. Makikita rin sa konteksto kung sino ang kausap o sinasabihan ng mensahe. Sa madaling salita, ang konteksto ang nagpapakita ng tamang kahulugan ng talata.
HINDI KRISTIYANO ANG BINAWALAN
Sa kaso ng Lev 19:26, ang pinagbabawalan sa pagkain ng dugo ay ang mga Israelita. Hindi kasama sa pinagbabawalan ang mga Kristiyano. Wala pa kasing Kristiyano noong panahon na iyon.
Sa simula ng Leviticus 19 ay sinasabi kung sino ang pinagsasabihan sa Lev 19:26. Sabi sa Lev 19:1,
"Sinabi ng Panginoon kay Moises: Magsalita ka sa buong kapulungan ng Israel at sabihin mo sa kanila: Maging banal kayo dahil ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ay banal."
Malinaw po, mga Israelita ang pinagsasabihan. Ang pinagbabawalan sa pagkain ng dugo ay mga Israelita. Hindi ang mga Kristiyano.
Sa Lev 17:10 ay mas malinaw na mga Israelita ang pinagbabawalan. Sabi riyan,
"Sino mang Israelita o dayuhan na namumuhay kasama nila na kakain ng dugo ay ibabaling ko ang aking mukha laban sa kanya na kakain ng dugo at puputulin siya sa kanyang bayan."
Wala nang duda, ang pinagbabawalan sa pagkain ng dugo ay ang mga "Israelita o dayuhan na namumuhay kasama nila."
Sa madaling salita, ang pagbabawal ay hindi para sa lahat ... hindi para sa mga Kristiyano.
Ang mga Kristiyano ay hindi pinagbabawalan sa pagkain ng may dugo.
KRISTIYANO PINAIIWAS LANG
Kung babasahin natin ang Acts 15:29 (na ginagamit din para punahin ang pagkain ng mga Katoliko sa dugo) ay makikita natin na hindi bawal sa Kristiyano ang dugo. Ang dugo ay pinaiiwasan lang sa Kristiyano.
Sabi riyan, "Kayo ay umiwas sa mga pagkain na inialay sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa karne ng hayop na ginarote at sa kahalayan sa laman. Mabuting gawain ang pag-iwas sa mga ito. Paalam."
Ang utos sa Kristiyano ay "umiwas" sa dugo. Hindi sinabing "bawal" kumain ng dugo.
Magkaiba ang "iwas" sa "bawal."
Sabi sa UP Diksiyonaryong Pilipino, ang "iwas" ay:
1. pagliligtas ng sarili sa anumang panganib.
2. paglihis sa anuman o kaninuman.
Iyan din ay pag-"ilag" na ang kahulugan ay:
1. umiwas upang hindi matamaan o mahagip
2. lumayo o umiwas sa panganib
3. mag-ingat; mag-alaga
Ang "bawal" naman ay ganito ang kahulugan:
"Hindi pagbibigay pahintulot na gawin ang anuman; pagpigil."
Sa kahulugan ng "iwas" at "ilag," ang pasya sa pag-iwas o pag-ilag ay galing sa sarili. Sarili ang nagdedesisyon kung iiwas o hindi. Ikaw o ako ang may kapangyarihan na magsabi kung dapat umiwas o hindi.
Sa kabaliktaran, ang "bawal" ay galing sa iba ang pasya. May ibang nag-uutos. May ibang pumipigil para gawin ang isang bagay. No choice ka. Dapat kang sumunod.
Sa Acts 15:29, ang sabi sa mga Kristiyao ay "umiwas" sa dugo. Hindi binabawalan ang Kristiyano sa pagkain ng dugo. Siya ang magpapasya kung kakain ng dugo o hindi.
Malinaw na ibinibigay sa Kristiyano ang desisyon kung kakain siya ng dugo o hindi.
UMIWAS KAPAG MAY HUDYO
Ngayon, bakit pag-iwas sa dugo ang utos sa Acts 15:19? Bakit hindi sila binawalan?
Kailangang tingnan ang konteksto ng talata para maunawaan kung bakit.
Una, sino ang sinabihan na "umiwas" sa dugo?
Ang mga Hentil na naging Kristiyano.
Makikita natin sa Acts 15:3 na ang mga Hentil na Kristiyano ang pinag-uusapan. Dumaan kasi sina Pablo at Barnabas sa Phoenicia at Samaria at sinabi sa kanila na nagbalik-loob sa Diyos ang mga Hentil.
Sa Acts 15:5 ay ipinipilit ng ilang dating Hudyo na dapat din sumunod sa Batas ni Moises ang mga Hentil na naging Kristiyano.
Anila, kailangan ding magpatuli ang mga Hentil na Kristiyano at dapat din silang huwag kumain ng dugo at baboy, ayon sa pagbabawal sa Lev 7:26-27 at 11:7-8.
Maiintindihan natin ang damdamin ng mga Kristiyano na ex-Hudyo dahil sila ay mga Israelita. Sa Lev 17:10 ay sinabihan sila ng Diyos ng ganito:
"Sino mang Israelita o dayuhan na namumuhay kasama nila na kakain ng dugo ay ibabaling ko ang aking mukha laban sa kanya na kakain ng dugo at puputulin siya sa kanyang bayan."
Para sa mga Israelita, ang pagkain o hindi pagkain ng dugo ay hindi lang isyu na pang-relihiyon, ito ay isyu rin ng pagiging Israelita. Kahit ngayon ay alam ng marami na ang mga Israelita ay mga nationalistic na tao.
Direkta silang pinagbawalan sa pagkain ng dugo, pati ang mga mamumuhay na kasama nila ay hindi rin dapat kumain ng dugo. Sino mang lalabag sa utos na ito ay puputulin ng Diyos mula sa bayang Israel.
Dahil diyan ay gusto rin ng mga Hudyo o Israelita noong unang panahon na pati ang mga Hentil na Kristiyano ay bawalan na rin sa pagkain ng dugo.
WIN-WIN SOLUTION
Para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan ay gumawa ng desisyon ang mga Apostol na panalo ang mga ex-Hudyo at panalo rin ang mga Hentil na Kristiyano na ugali na talaga ang kumain ng dugo.
Ang solusyon ay dapat na lang "umiwas" sa dugo ang mga Hentil na Kristiyano.
Kailan dapat umiwas?
Kapag may kasalo silang mga kapwa Kristiyano na dating Hudyo. Masasaktan at mae-eskandalo kasi ang mga ex-Hudyo kapag kumain ng dugo ang mga Hentil na Kristiyano sa harap ng mga Israelita.
Kung wala silang kasama na ex-Hudyo ay puwede sila kumain ng dugo. Wala kasing masasaktan kapag kumain sila niyon.
MALINIS ANG LAHAT NG PAGKAIN
Sa Romans 14:20 ay sinasabi ni Pablo:
"Huwag ninyong sirain ang gawain ng Diyos nang dahil lang sa pagkain. Ang lahat ng pagkain ay malinis, pero mali para sa isang tao na kumain ng kahit ano na makakatisod sa iba."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento